Inawitan ng P-Pop girl group na BINI si Senador Bam Aquino ng birthday song sa kanilang pagbisita sa Senado nitong Miyerkules, kung saan tumanggap ang grupo ng pagkilala para sa kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Indio, California.
Sa simpleng selebrasyon sa loob ng Senado, nakisayaw pa si Aquino habang kinakanta ng “Nation’s Girl Group” ang birthday song bilang bahagi ng kanilang courtesy visit. Ang senador ay nagdiwang ng kaarawan noong Huwebes.

Pagkatapos ng maikling programa, dumalo ang BINI sa plenary session kung saan pormal nilang tinanggap ang parchment copy ng Senate Resolution No. 370, na inakda ni Aquino bilang pagkilala sa kanilang international achievement.
Sa sponsorship speech, binigyang-diin ni Aquino ang makasaysayang tagumpay ng grupo bilang kauna-unahang Filipino act na nagtanghal sa Coachella noong Abril 10 at 17, 2026.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, isang Filipino act ang nagtanghal sa isa sa pinakamalaking music festivals sa buong mundo. Masasabi natin na ang tagumpay na ito ay salamin ng galing at talento ng Pilipino sa pandaigdigang entablado,” ani Aquino.

Ayon sa senador, ang tagumpay ng BINI ay hindi lamang para sa industriya ng musika kundi para sa buong bansa, dahil ipinapakita nito ang lakas ng creative industry ng Pilipinas.
“Pinatutunayan nito ang lumalaking potensyal ng ating creative economy at ang kakayahan nitong magbigay ng dangal at oportunidad sa ating mga kababayan sa buong mundo,” dagdag niya.
Giit pa ni Aquino, ang tagumpay ng grupo ay magsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipino upang abutin ang kanilang mga pangarap at maniwala sa kanilang kakayahan na makapasok sa pandaigdigang entablado.
Binanggit din ng senador ang pagiging tagahanga ng kanyang pamilya sa grupo, na kilala sa fandom na “BLOOM,” at ang madalas na pagpapatugtog ng kanilang mga kanta sa kanilang shared Spotify account.
Ang BINI ay binubuo nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena.
Si Aquino ay kilala rin sa pagsusulong ng OPM at lokal na talento sa iba’t ibang inisyatiba at public events sa kanyang panunungkulan.
